by Nepthali Paraiso 13/6/11 10:00pm
Tunay ngang mahirap, magtrabaho sa dagat
Kalaban ay alon, sa ibat-ibang panahon
Itong aking kasama, hirap na hirap na
At nagkakandasuka, dahil hindi na makaya
At sa aking pagmasid, akin ngang nabatid
Tulad din ng buhay, dagat man may ibat-ibang kulay
Magandang pagmasdan kung payapa ang karagatan
Ngunit sabi ng iba, “boring” naman sa kanila
Kay lungkot daw tingnan, mapayapang karagatan
Ngunit sa aking pakiramdam, dala nito ay kapayapaan
At tuwing nangangalit ang karagatan, alon ay naglalakihan
Hampas dito hampas doon, ang tao man ay ganoon
At sa gabing mapanglaw, alon ay naglalakihan
Hindi magandang panahon, aming nararanasan
Hindi ako makatulog, ang barko ay umiindayog
Ayon sa “weather forecast” bukas pa matatapos
Dito sa aking kinatatayuan, dama ko ang kalamigan
Maitim na ulap sa kalangitan, nangangalit na alon sa karagatan
Akin ring natatanaw mula sa kalayuan
Isang barko ring tulad naming, pareho rin ang nararanasan
Bakit hindi ko nadala itong aking camera
Makunan ng larawan, itong alon sa karagatan
Namumuti ang kapaligiran, sa hampas nyang walang liban
Ito nga ang kalaban, ng mga nagtatrabahong seaman
Ito nga ba ang kapalit? Ng malaking kita at saglit?
Kontratang kay bilis, tunay na hindi nakakainip
Depende nga rin sa trabaho, o sa kursong natapos mo
O masasabi ring kapalaran? O akda sa ‘yong buhay
No comments:
Post a Comment