By Nepthali Paraiso 9-Jul-2011
Kaming mga OFW, bayani kung tawagin
Lumayo sa pamilya, iniisip kinabukasan nila
Sa malayong lugar, kami’y nakipagsapalaran
Upang matustusan, kanilang pangangailangan
Mahirap man sa amin, ngunit kailangang gawin
Hindi mo kikitain, sa Pilipinas na aking giliw
Hindi lahat sa amin, nagtagumpay man din
Ngunit kailangang t’yagain hirap ay kayanin
Paano na nga kung dumating, pangambang susuungin
Mga bansang narating, problema’y dagsain
Krisis na nararanasan mga tao’y nag-aaklasan
Dito sa gitnang silangan, sila-sila’y naglalaban
Marami na ring nangangailangan, ng trabaho sa kanilang bayan
Kaya’t ang gobyerno nila’y naghahanap ng paraan
Pinag-aaral, pinagsasanay, para sa kinabukasan
Upang hindi na mangailangan ng trabahador sa ibang bayan
Likas sa atin, kasipagan at masunurin
Talinong angkin, sa trabaho’y nagniningning
Kaya’t ang aking dalangin, pagkakatao’y samantalahin
Pag-iimpok ay unahin, sa pagbabalik ay may dudukutin
Dapat ding malaman ng pamilyang naiwan
Trabaho’y pansamantala lamang, isipan nyo ay buksan
Hindi laging Dolyar, inyo ngang makakamtan
Pagtitipid at pag-aaral ng mga anak ay kailangan
Ang problema naman sa ating bayan, sa mga OFW’y walang laan
Mas gusto nila’y kabataan mas mababa ang pasahuran
At kaming mga batikan, negosyo na lamang ang nasa isipan
Ito na lamang ang paraan, pangangailanga’y matustusan
Ano nga bang kahihinatnan ng mga bayaning naturingan
Pagkatapos magbigay ng kamal-kamal sa bayan
Ano naman ang pakinabang ng gobyernong tinulungan
Mga corrupt na opisyal dapat kayong magsilayasan
Ano nga bang laan sa mga bayaning nahirapan
Ilang taong nagpapagal sa huli’y luhaan
Kaya’t hibik ko’y pakinggan, sa inyong mga mahal
Ano nga bang pakinabang sa amin ay naghihintay