My photo
Leith, Edinburgh, United Kingdom
isang bagong manunulat na nahikayat ni Kabayang Kiko (http://www.kwentonikiko.com/) doon sa Qatar at nagpasimula at nagpapatuloy sa pagkatha at lalong nagkaroon ng inspirasyon sa pagsulat doon sa malayo at magandang lugar ng Scotland... - isang OFW na nangangarap din - isang Administrador - mahilig mag volunteer - mahilig sa sports (Cycling, badminton, volleyball, running, bowling, etc) - loves to cook - likes gardening - and wants to learn more

Thursday, 17 February 2011

KAYONG AKING INSPIRASYON by Pablo Paraiso

Salamat, salamat mga kaibigan
Na naniniwala sa aking kakayahan
Di man karapat dapat na maging manunulat
Kayo’y naging inspirasyon sa aking pagpapatuloy

Mahirap ngang makalikha ng isang tula
Kung bakit nakakagawa dahil sa inyong paghanga
Talentong ibinigay ng Diyos na may lalang
Kaisipang ibinigay gagamitin sa inyong tanan

Kaya’t mga bagay-bagay, na sa aking kapaligiran
Magiging komentaryo sa pamamagitan ng tula ko
Experiensyang nakukuha sa lahat lahat na
Makatotohanang isasalaysay, o kaya’t pakinggan

Paano kung wala na, kayong mga mambabasa
Sino pang makikinig? sino pang babasa?
May kabuluhan pa ba,  o may kahihinatnan pa
O Kami’y magpapatuloy , dalhin ng hangin sa ibang panahon

Gagawin at gagawin mga tulang sasambitin
Na may pag-ibig, isip at likas na galing
Ito’y para sa inyo aking mga giliw
Inspirasyon ko kayo, Salamat kaibigan ko



ANG AKING HALAMAN by Pablo Paraiso

Ang sabi ng halaman, “Bakit kami pinabayaan?’
Ang sabi ko naman, “Busy lang ang amu-amuhan”
Kaya’t kayo’y aking lilinisin, at laging didiligan
Pagagandahin at muling bubuhayin

Ng ako’y umalis kayo’y napabayaan
Walang tumitingin at sumusulyap lamang
Mga bulaklak nyong, aking laging pinagmamasdan
Ngayon ay nakangatuyot at walang buhay

Wag kayong mag-alala, lagi ng gigising ng maaga
Upang kayo’y makadaupang palad at aking makausap
Didiligan at lilinisan, na parang pamilya lang
At laging sasamahan hanggat ako’y nariyan
 
Pag-ako ay lumisan at muling nangibang bayan
Ipagbibilin ko sa mga kapatid, na kayo’y sulyapan man lang
Wag kayong bibitaw at magtiis minsan
Patuloy na lumago at magbigay kagandahan

Kaya’t hiling kong pasensya sa akin twina
Minsan nakakalimutan na kayo’y tingnan
Kaya’t  bago mag exercise, sa inyo’y susulyap
Sa umagang kay ganda, ang bati ko mga kasama

SAGOT SA KATANUNGAN by Pablo Paraiso

Dios na mapagpala, na sa aki’y nakakaunawa
Batid mo ang lahat, sa Iyo’y walang nakakalingat
Di man ako maunawaan, ng mga tao sa kapaligiran
Ngunit ikaw lamang, ang aking sandigan

Di man dapat gawin, alam kong mali sa ‘Yong paningin
Ako nga sa ‘Yo’y dumalangin, pagsamo ko’y Iyong dinggin
Iniiyak ko nga sa ‘Yo, ang desisyong gagawin
Pagpapatawad Mo sa akin, kapanatagan ng damdamin

Salamat sa mga taong, may concern sa akin
Di man nila maunawaan, pagpipilit wag gawin
Hindi kasi nila alam, ang ugat ng damdamin
Ang mahalaga sa akin, magpatuloy sa gawain

Hindi ko na dapat pang, ulit-ulitin
Mga paghingi ng tawad, at mga sasabihin
Kung ‘di nila maintindihan, ang mga dahilan
Mabuti pang malayo, dalhin mo sa kung saan

Sino ba raw ang Dios ko? Anong tanong bakit ganito
Basta’t kilala kita, at kilala Mo rin ako
Patulo’y mo kong pagpalain, sa aking mga gagawin
Mga plano kong nakabinbin, pagpapatupad Mo’y naisin

Masakit para sa akin, na ikaw ay questionin
Patawad o Dios, masakit man sa damdamin
Mahalaga ngayon sa akin, ang magpatuloy pa rin
Mga pangako mo sa akin, pagpapala ay kakamtin

Kaya’t kita’y papupurihan sa buhay ko magpakailanman
Tulad ng buhay ni Abraham, pagpapala Mo’y kailangan
Pagtitiwala ko sa Iyo, sa kapangyarihan Mong taglay
Hinding-hindi mababago hanggang ako ay nabubuhay


Pagsisiwalat (Part 2 in continuation of Dios ko tulungan...) by Pablo Paraiso

Nakakainis na at kagulat-gulat pa
Mga pangyayaring nakikita ngayon ay nabulgar na
Hindi lang milyon-milyon, ngayon ay bilyon na
Mga kaperahan sa AFP naisawalat na

O Angelo Reyes ano’t nagpakamatay ka?
Dahil ba sa kahihiyan o talagang guilty ka?
Winakasan mo ang buhay mo dahil natatakot ka?
Na pagdusan sa kulungan iyong mga kalokohan?

Si Heidi Mendoza lumabas at nagsalita na
Sa harapan ng camera, katiwalian ibinulgar na
Bakit ngayon lang? O nakonsyensya nga ba?
Itong ginagawa ng mga heneral ng bansa

Bakit nga ba ganon ang may mataas na posisyon
Magician ba sila o tunay na corrupt na
Talagang nakapagtataka kung saan napupunta
Mga kaperahan para sa bayan, nawawaldas kung saan-saan

Kaya Senador Estrada, kami ay saludo at kaisa
Patuloy mong halungkatin, kabulukan sa bayan natin
At ang hangad din namin, sa may sala ay panagutin
Magsilbing aral sa pulitikong may sariling layunin

Nakakalungkot man isipin, itong mga militar natin
Na syang magtatanggol sa atin di mo sukat akalain
Mga perang dumarating kung sa tama ay gamitin
Integridad,  Serbisyo at tapat, tunay na karapat-dapat

Kaya’t patuloy naming dalangin sa Diyos na mahabagin
Malinis ang bansa namin, ang mga tuso’y patalsikin
Pagkatakot sa Diyos at sa tao’y paglilingkod
Upang maging masagana at kapayapaan sa twina


O Dios ko, tulungan mo ang bansa ko... by Pablo Paraiso

Itong ating bansa ano nga ba ang ginagawa
Maraming katiwalian eto nga’t nagbubunyagan
Mula sa militar ano pa ang kahihinatnan
Silang dapat magpasimula ng kapayapaan dapat pa bang pagtiwalaan

Korapsyong inilahad si Rabusang naglahad
Mga pabaon at pangtanggap ng mga heneral na tulad
Milyon milyong kaperahan na dapat may puntahan
Unahin ang mga kagamitan sa hanay ng militar

Mga kapulisan ng bansa nakakatakot na kusa
Silang dapat nagpapasimula ng kapayapaan ng bansa
Paano ka hihingi ng tulong na kusa
Silang mga drug addict mga maniac pa nga

Pagtaas ng bilihin, dagdag pasahe kay Juan
Kawawang mga pobre hindi na sumapat pangangailangan
Karampot na sweldo sa dami ng kaltas ay talo
Sige lang, sige lang tyaga ang kailangan

Kaya’t ang pobreng si Juan patuloy ang buhay
Makipaglaban sa lupit ng buhay
Maging sapat lamang, ang kinikita sa araw-araw
Pantawid gutom, pangangailangan sa ngayon

Kaya’t kabi-kabila mga delubyo sa bansa
Hindi mo mawari kung ano ang mangyayari
Nakakalungkot isipin kung anong gagawin
Umalis ng bansa o magwalang bahala

Dalangin na lamang ang ating kailangan
Pagpapakumbaba sa harap ng Maylikha
Ikalawang Cronica kapitulo Pito talatang walo
Katiwasayan, Kasaganaan, Pagpapalay makakamtan




Palimos

Inyo nga pong dinggin pagsamo ng bata sa atin
“Palimos po, palimos…” ang sambit sa atin
“Paghingi ng limos para sa king pagkain
Nagugutom po ako, parang awa na ninyo”

Si ate at kuya, si nanay at lola
Sawang sawa na sa ginagawa nila
Naiinis na itong ating balana
Sa araw-araw na panghihingi nila

Ang sabi ng nanay nakakainis ng bigyan
Pag nagbigay sa isa, lalapit mas marami pa
Wag na lang bigyan, mamimihasa pang tuluyan
Binibili lang ng rugby, saying ang kaperahan

Ano nga bang kahihinatnan, ng taong lansangan
Na umaasa lang, sa paglimos sa bayan
Sino ba ang may kasalanan,  bakit sila nagkaganyan
Dahil nga ba sa hirap ng buhay, un na lang ang paraan?

Sa isang interview, na aking napakinggan
Patuloy silang mamamalimos, sa mga lansangan
Dahil may mga taong, patuloy na nagbibigay
Walang dahilan, para tapusin ang nasimulan

Kaya’t tayo’y maging matalino, sa panlimos sa tao
Turuan natin silang magtrabaho, at hindi mamperwisyo
Walang perang ibibigay, ng bawat isa sa inyo
Upang matigil na, panlilimos sa tao

Sa Dyip by Pablo Paraiso

Sa aking pagsakay dito sa Aniban
Sa pagbaba sa kanto ng Looban
kwento ng buhay ay napag-usapan
Matatandang pasahero ay nagkukuwentuhan

Si Lola 87 years old na, ay namamalengke pa
Katapat nyang lola 67 years old na, ay nagtitinda pa
Pinagyayabang kanilang kalakasan
Pagkain daw ng gulay talagang kailangan

At ito namang isa, katamaran ng anak pinagbibida
Tanghali na raw ay nakahilata pa
Kaya’t galit na galit sa tuwi-tuwina
Pinagkukumpara buhay nila noong sinauna

Katapat kong ale sya’y singkwenta sais na
Patuloy pang naglalaba para sa sampung anak nya
Sa awa daw ng Dios napag-aaral pa
May skolar ni Strike Revilla at kay Del Abaya

Mga factor ng buhay kanila’y inisa-isa
Mga masasarap daw na pagkain ngayon ay nakahanda na
Maraming preservatives kaya’t sakit ay naglipana
Kaya’t  gulay pa rin, sa hapag ay ihain

At sabi ng iba, depende daw sa ama’t-ina
Pagpapalaki sa anak nakabase sa kanila
Patuloy daw na ipamulat tamang gawain at pagsusumikap
Sa kanilang paglaki’y kayang kayang sumabak

At sa aking pagbaba sa dyip, ako ay napagpala
Karanasan ng bawat isa’y, napakasarap pakinggan
Kunin natin mga magagandang karanasan, kanilang naranasan
Upang sa pagtahak sa buhay, tayo’y maging matagumpay